Bagong CENRO Sa Albay Itinatag, Mga Pinuno Hinirang

Simula sa Pebrero 7, ang lalawigan ng Albay ay magkakaroon na ng karagdagang Community Envronment And Natural Resources Office o Cenro sa bayan ng Guinobatan. Itinalaga si Benjamin Medel bilang Officer In Charge ng naturang tanggapan habang si Marlon Francia naman ang hinirang na Officer In Charge ng CENRO Legazpi.

Ito ay ipinahayag ni D-E-N-R Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada sa unang pulong ng mga pinuno ng ahensya. Batayan ng pahayag na ito ang Department Administrative Order no. 2011-15 na nilagdaan ni Kalihim Ramon Paje noong Disyembre 7, 2011. Layon ng D-E-N-R na higit pang mapabuti ang serbisyo nito sa lumalaking populasyon ng lalawigan. Ang bagong CENRO Guinobatan ay matatagpuan sa loob ng compund ng Bicol University College Of Agriculture And Forestry sa Guinobatan, Albay.

Samantala, batay sa “Greening The Workplace Practices” na pinapatupad ng D-E-N- R sa buong bansa, nag utos si Denr Bicol RED Fragada na ipagbawal ang pagpapasok ng anumang pagkain na nakabalot sa plastic o styrofoam sa mga tanggapan ng D-E-N-R. Hinihikayat rin ang mga kawani ng D-E-N-R na magdala ng kanya kanyang plato, kutsara, tinidor at baso sa kantina upang maiwasan ang pagdami ng plastic at styrofoam. Minabuti ng D-E-N-R na manguna sa kampanyang mabawasan ang plastic at styrofoam sa mga tanggapan nito at magsilbing magandang halimbawa sa ibang tanggapan- gobyerno man o pribado.

Broadcast Release: January 9, 2012