Oplan Sagip Wildlife ng DENR Bicol ikinasa na – RED Gonzales

pr4

            Nagsilbing babala sa mga mangangalakal ng buhay ilang o wildlife ang tinuran sa talumpati ni DENR Regional Executive Director Gilbert Gonzales sa kapulungan ng mga mag-aaral at mga kawani sa pagdiriwang ng World Wildlife Day, Lunes Marso 3. Ito ay hudyat sa lalong pinaigting na pagpapatupad ng batas sa buhay ilang o Wildlife Act lalo na ang OPLAN Sagip Wildlife na nagsasagawa ng surveillance, pagkukumpiska ng mga wildlife na walang kaukulang permit o dokumento, ayon sa Director.

            Ayon sa pinuno, ang buhay ilang sa Bicol man o sa buong bansa ay protektado ng batas o Republic Act (RA) 9147. Kaakibat ng batas na ito ay tatlo pang batas na nagbibigay proteksyon sa mga bulaklak (Act No. 3982 taong 1932), proteksyon ng mga espesyal na puno kabilang ang tindalo, akle, molave na pinutol sa pampublikong gubat (Act. No. 3572 taong 1929), at ang proteksyon ng agila (RA 6147 taong 1970). Sa kasalukuyan may kabuuang bilang na 140 wildlife enforcement officers o WEOs sa buong rehiyon na nabigyan ng kaukulang pagsasanay, at pagkilala upang makatulong sa pagpapatupad ng mga batas na binanggit: 64 sa Cam Norte, 40 sa Cam Sur, 25 sa Catanduanes at 11 sa Masbate.

            Paglabag sa naturang batas ang naging dahilan ng pagsampa ng kaso sa ilang mangingisda sa Tinambac, Camarines Sur noong ika 13 ng Oktubre 2013 nang katayin nito ang isang leatherback turtle sa Bgy. Magtang at kasalukuyang dinidinig ang kaso sa korte.

Press Release: March 4, 2014