Pagsasanay Sa Pagtatag Ng Mapagkukunan Ng Butong Pananim Isinagawa

          Muling nagsanay ang mga kawaning mangugubat ng DENR Region V sa panguna ni Alice Bernades, Annabelle Barquilla, Noel Aban, Vivian Seminiano, Leizel Santander, Pacifico Gases at Ma. Juliet Araojo, planning officer, sa pagtatag at pangangasiwa ng pinagkukunan ng mga butong pananim at magandang uri ng pananim. Sa nasabing pagsasanay ipinrisinta rin ni Director Ricardo Calderon ng DENR Forest Management Bureau ang pagtatag ng “automated nurseries” kung saan limang pangunahing lugar sa bansa ang lalagyan nito kabilang na ang Bicol National Park sa Sooc, Lupi, Camarines Sur. Layunin ng proyekto at pagsasanay na matiyak ang pagkakaroon ng magandang uri subalit murang mga pananim para sa hinaharap.

              Tiniyak ng pamunuan ng DENR sa rehiyon sa pangunguna ni Regional Executive Director Gilbert Gonzales na lalong dadami ang pananim sa buong Bicol lalo pa at sa kasalukuyang taon ay 220, 906 ektarya at 27, 149 ektarya naman sa 2014 ang tinatayang matamnan ng mga punong kahoy sa ilalim ng National Greening Program.

              Ayon sa pinuno ng pananaliksik ng Ahensya, Dr. Portia Lapitan, mananitili ang suporta ng tanggapan nila sa pagtatag ng Seed Production Area and Individual Plus Trees. Sa nasabing tanggapan ginanap ang pambansang pagsasanay noong Hulyo 29 hanggang Agosto 1, 2013.

Press Release: August 13, 2013