PENRO Masbate masigasig ang pamamaraan sa NGP

Isang daang porsyento ang ibinubuhos ng Field Office ng Department of Environment and Natural Resources sa Masbate sa pagpapatupad ng National Greening Program o N-G-P sa isla probinsiya.

Sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer Tito Migo ng Masbate na sa ganitong pamamaraan higit nagiging mataas ang kalinangan ng mga stakeholders tungkol sa N-G-P.

Tatlong pamamaraan ang isinasagawa ng PENRO Masbate upang makamtan ang maayos na pagpapatupad ng programang reforestation sa nasabing probinsiya ayon kay PENRO Migo.

Una, ang pagsasagawa ng kampanya sa impormasyon at edukasyon tungkol sa NGP, pangalawa ang pagbibigay ng pabuya sa mga people’s organization (PO) at pangatlo, ay ang pagtatag ng maigi at malusog na nursery.

Sa kaparaanang pagpalaganap ng kaalaman, sinabi ni Migo na masidhi ang nagiging kampanya ng mga tauhan ng PENRO na nagbubunga ng pagtaas ng kaalaman ng iba’t-ibang stakeholders sa usapin ng NGP.

"Ang mga tauhan ng DENR lalo na ang mga extension officers ay nasa labas upang ipaliwanag sa mga stakeholders ang programa para nag-iisip ang stakeholders na seryoso talaga ang opisina sa programa ng ating gobyerno” ayon sa kanya.

Ipinaliwanag niya na mahalaga ang pagbibigay pabuya sa mga PO upang masigurong mapapangalaan ng husto ang mga naitanim na punong kahoy maging ang mga binhing nasa nursery.

Ayon din kay Community Environment and Natural Resources Officer Gerry Arena ng Mobo, ang pagtatag ng magandang nursery ang siyang susi ng matagumpay na pagpapatupad ng NGP kung kaya ang kanyang opisina ay gumagawa ng mga kaparaanan na maitaguyod ang kooperatiba na siyang nangangalaga ng mga nursery ng probinsiya.

Broadcast Release: February 20, 2013